Pinag-iingat ngayon ng Department of Foreign Affairs ang libo-libong Pilipino na nasa Lebanon at hilagang bahagi ng Israel laban sa posibleng paglala pa ng bakbakan sa pagitan ng tropa ng Israel at Hezbolah fighters sa gitna ng pangamba ng paglawak pa ng giyera sa iba pang mga lugar.
Ayon sa DFA, nasa 2,700 Pilipino na nasa katimugan ng Lebanon at 70 naman sa hilagang Israel ang posibleng maapektuhan kapag umabanse pa ang counterattack ng gobyerno ng Israel sa kuta ng Hezbollah doon sa Lebanon na naglulunsad din ng mga pa-atake sa Israel kasunod ng deadly attack ng militanteng Hamas.
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega na pinayuhan na ng embahada ng Pilipinas ang 3,000 Pilipino sa southern Lebanon na lumikas dahil sa posibleng pagganto mula sa Israel dahil sapag-atake ng Hezbollah.
Ang Hezbollah ay ang Shiite Muslim political party at isang militanteng grupo na nakabase sa Lebanon. Sinusuportahan din ito ng Iran na nagbabala na sa Israel ng posibleng pagkalaganap ng tensiyon sa rehiyon kapag lumala ang pag-atake sa Gaza na kuta ng Hamas.
Samantala, ang mga Pinoy na nasa northern Israel naman ay inilikas na.
Sabi pa ni De Vega, nakalatag na ang contingency at evacuation plans para sa mga Pilipino sa parehong bansa.
Sa ngayon walang mga Pilipino aniya ang apektado sa palitan ng strikes sa pagitan ng Israel at Hezbollah fighters.
Naghihintay rin ang DFA sa rekomendasyon ng Philippine Embassy sa Beirut kaugnay sa alert level status na ipapatupad sa mga Pilipino na nasa Lebanon habang nananatili naman ang Alert level 2 sa buong Israel.