Isang kumakandidatong barangay kagawad ang binaril ng riding-in-tandem habang hinahatid nito sa eskuwelahan ang kanyang anak sa bayan ng Bucay sa Abra.
Base sa imbestigasyon, nangyari umano ang insidente isang araw bago mag-umpisa ang campaign period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Kinilala ang biktima na si Catalino Turalba Sr. habang nakatakas naman ang mga salarin.
Patuloy na tinutugis ang mga suspek at ang imbestigasyon sa motibo ng krimen.
Sinabi ng Commission on Elections na isa ang Bangbangcag sa walong barangay sa Bucay na inirekomendang isailalim sa orange category dahil sa mga armadong grupo.
Base sa huling tala ng Comelec, aabot sa 200 kandidato ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections ang umatras sa Abra.
Samantala, patay ang isang criminology student na tumatakbong kagawad sa Sangguniang Kabataan elections matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem rin sa Initao, Misamis Oriental.
Kinilala ang nasawi bilang si Mark Allen Tacbobo at kakandidatong SK kagawad sa Barangay Jampason.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng tatlong tama ng bala sa ulo si Tacbobo na kaagad nitong ikinamatay. Nakatakas naman ang mga salarin.
“Base sa information nga adunay motorsiklo nga ang gisakyan sa maong suspetsado nga mipusil. Naigo kini siya sa iyang forehead portion sa iyang ulo gihapon,” sabi ni Misamis Oriental Provincial Police Office spokesperson Lieutenant Theofratus Pia.
Sa isinagawang hot pursuit operation, isang SUV na may sakay na motorsiklo na pinaniniwalaang ginamit sa krimen ang pinigil ng mga awtoridad.
Itinuring na person of interest ang tatlong sakay ng SUV na isinailalim sa paraffin test pero nagnegatibo sa gunpowder nitrates kaya pinakawalan din.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring krimen.