Sumuko na sa mga otoridad ang isang lalaki na suspek umano sa insidente ng hazing na ikinasawi ng criminology student na si Ahldryn Leary Bravanate.
Ayon kay Quezon City Police District director, Brig. Gen. Redrico Maranan, kinilala ang suspek na si John Xavier Clidoro Arcosa na nasa kustodiya na ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit.
Sumuko ito sa otoridad sa tulong na rin ng kanilang mga magulang.
Sinabi ng QCPD na ang biktima na graduating student mula sa Philippine College of Criminology ay isinugod pa sa isang ospital sa Maynila ng dalawang frat men noong Lunes na wala ng malay at nagtamo ng iba’t ibang galos sa katawan.
Una ng sinabi ni Maranan na matapos umamin ang mga kasamahan ni Bravante na nagdala sa kaniya sa ospital matapos ang isinagawang initiation rites na sina Justine Artates Cantillo, at Kyle Cordeta De Castro, natukoy pa ang 11 iba pang suspek na sangkot sa pagkamatay ni Bravante.
Naglunsad na rin ng manhunt operation ang QCPD para arestuhin ang mga suspek.
Ibinunyag din ni Maranan na nakatanggap ng humigit-kumulang sa 60 paddle hits si Bravante sa kasagsagan ng initiation rites.