Nagpahayag na nang pag-aalala ang beauty queen-comedienne na si Herlene Budol at nanawagan na rin siya sa publiko upang mahanap si Miss Grand Philippines 2023 Catherine Camilon.
Sa pamamagitan ng kanyang pahayag na ipinaabot sa programang “Fast Talk with Boy Abunda,” inihayag ni Herlene ang kanyang sobrang pag-aalala sa kaligtasan ng kanyang batchmate.
“Catherine Camilon is one of my sisters sa Miss Grand International. Sana kung nasaan man siya ay nasa maayos siyang kalagayan at makauwi na siya sa kanyang pamilya,” saad ni Herlene.
Umapela na rin ang beauty queen na agad mag-report sa mga otoridad sakaling may makuhang mga leads ni Catherine.
“Tulong-tulong po tayo na mag-share ng information para mapabilis ang paghahanap sa kanya,” lahad niya.
Panawagan pa niya sa kapwa-beauty queen, “Sis, uwi ka na.”
Kamakailan lang, humiling ng “privacy” ang pamilya ni Catherine sa gitna ng paghahanap at imbestigasyon.
Noong October 12 pa nang hindi na makontak ng pamilya at mga kamag-anak ang dalaga.
Ayon sa huling mensahe ng beauty queen sa kanyang pamilya, nasa isang gasoline station siya sa Bauan, Batangas sakay ng isang SUV pero makalipas ang ilang oras ay hindi na nga nila makontak si Catherine.
Nauna nang sinabi ni Police Major Nephtali Solomon, ang hepe ng Tuy Police station, na nagsagawa na sila ng “flash alarm” para mahanap si Catherine.
Magsasagawa rin ng backtracking ang pulisya para ma-trace ang mga lugar na pinuntahan ni Catherine.