Umabot sa $4.2 billion umano ang halaga ng investment agreement ang naselyuhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyag pakikipag-pulong sa mga Arab business leaders sa sidelines ng ASEAN-GCC summit.
Kasama umano sa investment pledges ang $120 million agreement sa pagitan ng Al Rushaid Petroleum Investment Company, Samsung Engineering NEC Co. Ltd. at EEI Corp. sa Pilipinas para sa construction export services.
Naselyuhan din ang kasunduan sa pagitan ng Al-Jeer Human Resources Company o ARCO kasama ang Association of Philippine Licensed Agencies para sa human resource services agreement na nagkakahalaga ng $3.7 billion.
Nasa $191 million USD din ang nalagdaang investment agreement ng Maharah Human Resources Company sa Philippines’ Staffhouse International Resources Corporation at E-GMP International Corporation para rin sa human resource services.
Kinilala naman ni Marcos ang mahahalagang kontribusyon ng mga kumpanyang nakibahagi sa pagsisikap na palakasin ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Saudi Arabia.
Ang GCC countries ang nagsisilbing tahanan ng mahigit isang milyong Filipino Overseas Workers.
Samantala, positibo ang tugon ng mga business leaders sa Saudi Arabia sa Maharlika Investment Fund, matapos iprisinta ito ni Marcos at nagpahiwatig ng kanilang intensyon na matuto sa mga kwento ng tagumpay ng Pilipinas partikular sa mga tuntunin ng pananalapi.
Ayon kay Saudi Ministry of Investment Minister Khalid Al-Falih, ang mga investors sa Saudi ay sabik na matuto sa pananalapi ng Pilipinas bilang isa sa mga pinakakapana-panabik na merkado ng ASEAN.
Dagdag pa ni Al-Falih, interesado ang business communities ng Saudi sa Maharlika Investment Fund.
Pinuri naman ni Al-Falih ang Pilipinas sa hakbang nito na maging cashless society sa taong 2030 at maging sa mobile finances.