sinailalim sa lockdown ang isang base militar sa Brazil upang maimbestigahan ang 160 sundalo rito at matukoy kung sinu-sino ang sangkot sa pagkawala ng 21 mataas na kalibre ng baril na kayang magpabagsak ng eruplano.
Ang lockdown ng kampo sa timog-silangang bayan ng Barueri nitong Miyerkules ay layong mahanap ang 13 .50 kalibre at walong 7.62-kalibre na machine guns na naglaho noong Oktubre 10.
Nangangamba ang kasundaluhan na bumagsak sa kamay ng mga sindikatong kriminal ang mga malalakas na armas. Karaniwan sa bansa ang banatan ng mga pulis at drug gang na armado rin ng malalakas na baril.
Ang pagkawala ng 21 armas ay pinakamalaking pagnanakaw ng sandata sa militar ayon sa grupong Instituto Sou da Paz na nagmo-monitor ng maling pamamahagi ng armas sa kapulisan.
Bawal ang hindi militar na paggamit ng .50 kalibreng machine gun na isang metro ang haba at may bigat na 58 kilo. Kaya nitong pabagsakin ang isang eruplano.
Nakadisensyo naman para sa labanan ang 7.62 kalibreng baril na kaya magpaputok ng 700 rounds kada minuto.
Unang ni-lockdown ng army ng Brazil ang 480 tropa na nasa kampo upang sila’y matanong tungkol sa nawawalang mga armas.
May 160 na sundalo na lamang ang nananatili sa base at hindi sila pwedeng umalis roon.
Ang mga nawawalang baril ay dinala sa kampo upang ayusin o idekomisyon kung hindi na maaayos.