Patay ang isang barangay secretary matapos umano nitong tumilapon mula sa sinasakyan niyang multicab at masagasaan ng bus, na bumangga muna sa multicab sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sa paunang ulat, kita umano sa CCTV ang pagbangga ng bus sa likod ng sinusundan nitong multicab at dahil dito ay nalaglag ang biktima na kinilalang si Angelica Catague, at nagulungan pa siya ng bus.
Makikita sa video na tumulong ang mga tao sa biktima, ngunit unti-unting umatras ang bus bago humarurot palayo kaya muling nagulungan ang kaniyang ulo.
Sinabi ng pulisya na dead on the spot si Catague, na sekretarya ng Barangay Minuyan 1.
Inaresto at nakakulong na ang bus driver na si Joseph Olpindo, na tumangging magbigay ng pahayag.
Samantala, patay naman sa pamamaril ng riding-in-tandem ang isang rider na nasa gilid ng kalsada sa Angeles, Pampanga.
Kita sa CCTV ang biktima na nakatigil sa gilid ng daan habang nakaupo sa motorsiklo at maya-maya pa ay tumabi sa kaniya ang mga suspek na sakay ng motorsiklo at malapitan na pinagbabaril ang biktima.
Kahit nakatumba na ang biktima, bumaba pa rin ang angkas na suspek para lapitan ito at muling barilin bago tumakas.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.