Sinimulang litisin nitong Miyerkules sa United Kingdom ang pinaghihinalaang tumulong sa pagtuli ng isang 3-anyos na batang babae sa Kenya 17 taon na ang nakalilipas.
Ang pagtutuli sa babae o genital mutilation ay bawal, ilegal at isang krimen sa UK kahit pa isinagawa sa ibang bansa.
Sa paglilitis sa korte ng Old Bailey sa gitnang London, sinabi ng tagausig na si Deanna Heer sa hurado na dinala ni Amina Noor, 39, taga-Harrow, ang batang babae sa Kenya upang matuli.
Nahaharap si Noor sa kasong pagtulong sa pagtuli ng batang babae sa ibang bansa.
Isang Somali, dumayo si Noor sa UK sa edad na 16 at nakakuha ng British citizenship. Ayon sa hurado, sinabi ni Noor na hindi niya inaasahan na sasailalim sa pagtutuli ang biktima.
Subalit si Noor rin ang nagpasya kung anong uri ng pagtutuli ang gagawin sa bata sa klinika kung saan niya dinala ang biktima.
Karaniwan ang pagtutuli ng mga batang babae sa Aprika, Gitnang Silangan at Asya. Dito ay hinihiwa upang matanggal ang clitoris at labia ng babae.
Karaniwang delikado ang nasabing procedure dahil ginagawa ito sa hindi malinis na kondisyon at nagdudulot ng impeksyon.
Ayon sa World Health Organization, mahigit 200 milyong bata at tamang edad na babae ang sumailalim sa gential mutilation.
Edad 21 na ang biktima na hindi tinukoy dahil bawal sa batas ng UK.
Kung napatunayang nagkasala, nahaharap si Noor na 14 taong pagkakakulong.