Iniimbestigahan ng pulis ang pagkakakilanlan ng 189 nabubulok na bangkay sa isang punenarya sa Colorado nitong Huwebes.
Inireklamo sa pulis ng mga residenteng malapit sa Return to Nature Funeral Home ang masangsang na amoy na umaalingasaw sa punenarya na 160 kilometro sa timog ng Denver.
Inamin ng may-ari ng RNFH, si Jon Hallford, na may problema sila matapos kanselahin ang kanilang rehistrasyon bilang punenarya dahil umano sa pagsasagawa niya ng taxidermy.
Sa uri ng paglilibing ng RNFH, direktang binabaon sa lupa ang bangkay na hindi nilagyan ng kemikal na pang-embalsamo.
Unang natagpuan at inilabas ng mga pulis ang 115 bangkay na hindi maayos ang pagkakaimbak sa punenarya.
Ngayong linggo, naging 189 ang bilang ng nakitang bangkay roon.
Inaasahan ng pulis na madadagdagan pa ang bilang ng bangkay.
Inilipat ang mga bangkay sa El Paso County Coroner’s Office, ayon sa Colorado Bureau of Investigation.
Tinutukoy na ang pagkakakilanlan ng mga bangkay sa tulong ng Federal Bureau of Investigation.
Wala pang inaresto at kinasuhan sa kaso.