Nagbabala ang Simbahang Katoliko ng Cebu sa publiko kaugnay sa umano’y kumakalat at ibinebenta online na mga imahe ng hubad na Santo Niño na sinasabing pampasuwerte at gayuma.
Ayon sa mga paunang ulat, sinabi nito na may mga social media post sa pagbebenta ng naturang imahe ng Santo Niño na ginawang background ang Basilica Minore del Santo Niño de Cebu.
Base sa mga post, sinasabing may dalang suwerte sa negosyo ang imahe at puwede ring gamitin bilang gayuma para makuha ang loob ng babae.
Kasabay nito ang paghikayat sa mga makakakita sa post na bumili o umorder.
Pero paglilinaw ng pamunuan ng Basilica, hindi nila sinusuportahan ang kumakalat na post at pagbebenta ng naturang imahen.
Kasabay nito, nilinaw at itinanggi rin ni Cebu Archbishop Jose S. Palma na nagbasbas siya ng mga imahe ng nakahubad na Santo Niño gaya ng nais din palabasin sa ibang post sa social media.