Inaresto ng mga otoridad ang isang motorcycle rider matapos mahulihan ng umano’y marijuana na nagkakahalaga ng P120,000 sa dala niyang paper bag sa Quezon City.
Base sa paunang ulat, sinita ang rider sa isang Commission on Elections checkpoint sa Aurora Boulevard nitong Martes dahil sa suot umano nitong substandard na helmet.
Nagpakita ang rider ng mga dokumento gaya ng driver’s license at OR/CR.
May hawak na paper bag ang rider sa kaliwang kamay at binuksan sa harap ng mga pulis, ngunit hindi niya nilabas ang laman nito.
Sa isang punto, tila nakipagmatigasan pa ang rider.
Sa isang kuha ng body-worn camera ng pulisya, agad na tumakbo ang lalaki papalayo dala-dala ang paper bag, kaya doon na siya hinabol ng mga pulis.
Umabot ang habulan sa bahagi ng Aurora Boulevard, kung saan nagtago sa center island ang suspek bago tuluyang nadakip ng mga pulisya.
Natuklasan ng mga awtoridad na nasa isang kilo ng marijuana umano na may halagang P120,000 ang laman ng paper bag.
Lumabas sa imbestigasyon ng Anonas Police na kinuha ng 26-anyos na suspek ang marijuana sa Antipolo.
Taong 2020 nang madakip sa San Juan ang salarin dahil sa kasong may kinalaman sa droga.
Muling mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.