Ilang mga overseas Filipino workers sa Israel ang nagpahayag ng pangamba at nagdadalawang isip pa kung uuwi sila ng Pilipinas dahil umano baka hindi nila makuha ang separation pay nila kung aalis sila sa Israel.
Ayon sa isang Pinay caregiver sa Israel, nais naman niyang umuwi sa Pilipinas pero kailangan umano niyang asikasuhin ang separation pay na posible niyang matanggap.
“Gusto ko pong umuwi na kaya lang kasi iyong mga caregivers po dito, may tinatawag po kaming separation pay,” saad ng OFW. “Kailangan po naming ayusin po iyon bago po kami umuwi. Kaya hindi po kami makapag-decide nang maayos kasi may inaasahan po kaming separation pay na makukuha.”
Ang naturang separation pay ay katumbas ng tagal ng kanilang pagtatrabaho doon.
Sabi pa ng caregiver, nakaranas siya ng matinding takot dahil sa nangyayaring kaguluhan sa Israel na nagsimula nang umatake ang militanteng grupong Hamas.
“Nato-trauma na po ako. Gabi-gabi pong hindi ako nakakatulog,” pahayag niya.
Ayon sa Department of Foreign Affairs ), mayroong 22 Pinoy sa Israel ang nagpapatulong para makauwi sa Pilipinas. Nitong Lunes, may walong Pinoy ang nakaalis na ng Israel.
Nakataas ang Alert Level 2 sa Israel, at hindi muna pinapayagan ang magpadala ng mga OFW.
Tatlong Filipino ang kumpirmadong nasawi sa ginawang pag-atake ng Hamas, at mayroon pang hindi makontak.