Tahasang itinanggi ng bansang Israel na sila ang nasa likod nang isinagawang missile strike na tumama sa pagamutan sa Gaza at ikinasawi ng mahigit 500 katao.
Ayon sa Israel Defense Forces, base sa kanilang nakuhang impormasyon ay mula umano ito sa Palestinian Islamic Jihad Group at nagkaroon umano ng pagpalpak ng kanilang rocket kaya ito ay tumama sa Al-Ahl Baptish Hospital sa Gaza.
Dagdag pa ng IDF, may ilang mga rockets na mula sa Gaza na patungo sa Israel ang dumadaan sa nasabing pagamutan.
Magugunitang kinondena ng Palestinian government ang nangyaring missile strike na tumama sa pagamutan kung saan marami pa ang hindi nakikita matapos na natabunan ng mga gumuhong bahagi ng pagamutan.
Samantala, kinansela naman ng Jordan ang planong pakikipagpulong kay United States President Joe Biden at ilang mga lider sa Middle East kasunod nang nangyaring pag-atake.
Ayon sa Jordan Foreign Minister Ayman Safadi na wala ng saysay ang nasabing pagpupulong dahil sa tuloy-tuloy ang kaguluhan.
Magugunitang nakatakdang magtungo si Biden sa Amman, Jordan pagkatapos na ito ay magtungo sa Tel Aviv, Israel.
Inabisuhan na rin ni King Abdullah II ng Jordan ang White House na kanselado ang nasabing pagpupulong nila.
Kinondena rin ng World Health Organization at maraming mga bansa ang naganap na missile attack sa Al Ahli Arab Hospital sa Gaza at ayon sa mga ito, nararapat na mabigyan ng proteksyona ng mga sibiliyan na nadadamay sa gulo ng Israel at mga Hamas Militants.
Sinabi rin ni European Council President Charles Michel na ang nangyaring pag-atake ay hindi na naayon sa mga international laws.
Isinisi ng Iran-backed na Hezbollah ang Israel sa nasabing madugong atake na nararapat na mabigyan ng aksyon.