Masamang balita ang pahayag ng Pagasa na tapos na ang panahon ng monsoon o tag-ulan. Tila masyadong maaga pa para umiral ang panahon ng amihan.
Karaniwang hanggang Nobyembre ang tag-ulan at may bagyo pa ngang dumarating hanggang Disyembre. Subalit ayon sa Pagasa, humina na ang habagat at lumakas ang high pressure system sa silangang Asya. Iyon na ang hudyat ng pagsisimula ng El Nino o kaunting pag-ulan kasabay ng matinding tag-init na nagdudulot ng tagtuyot.
Kung banta sa mga magsasaka at pananim ang tagtuyot, ang kawalan naman ng bagyo mula ngayon hanggang sa susunod na tag-ulan ay maaaring magdulot ng kakulangan ng tubig lalo sa mga lugar na malaki ang konsumo nito tulad ng Metro Manila.
Ang Angat dam ang pinagkukunan ng tubig ng mga taga-Metro Manila. Puno dapat ito sa pagtatapos ng tag-ulan upang magkasya hanggang sa susunod na tag-ulan.
Sa ngayon ay mataas pa naman ang tubig sa Angat. Mga 210 metro ang normal na taas ng tubig sa dam at nasa 206.82 metro ang taas nito kahapon, ayon sa Pagasa.
Kung uulan pa sa may lugar ng dam at sasalok pa ito ng tubig, aabot pa marahil sa normal na taas ang laman nito. Kung hindi na ito mapupuno, malaki ang pagkakataon na kukulangin o mauubos na ito sa tag-araw, mula Marso hanggang Mayo o Hunyo.
Kapag ganoon ang mangyari, mapipilitan na namang bawasan ng Maynilad o Manila Water ang pamamahagi ng tubig sa mga customer nila.
Dati nang nag-rasyon ng tubig sa Metro Manila at sadyang perwisyo ito sa maraming kabahayan at negosyo.
Bagaman ginagawan ng paraan ng mga water distributor na maging sapat pa rin ang pamamahagi ng tubig sa Metro Manila, sadyang malaki na ang populasyon sa malalaking siyudad at hindi na kasya ang tubig sa Angat Dam.
Nagkaroon man ng planong magtayo ng dagdag na dam para sa Metro Manila, hindi ito natuloy sa kung anong dahilan.
Ngayong mas matindi ang epekto ng global warming sa supply ng tubig dapat nang magkaroon ng isa pang dam.
Marahil ay dalawa o tatlong bagong dam pa ang dapat itayo para maserbisyuhan nang husto ang lahat ng customer ng tubig sa Metro Manila tuwing tag-araw o tagtuyot lalo pa ngayong napakaluma na ng Angat Dam at maaaring masira na ng tuluyan.
Kung masira ito at walang ibang imbakan ng tubig para sa milyun-milyong residente ng Metro Manila, uuhawin tayong lahat at mahirapang makaligo.