Inihayag ng Commission on Elections nitong Miyerkules na nasa 122 kandidato sa Abra province para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong taon ang umatras na sa halalan.
“Talagang umaayaw. Kung tinatakot o hindi, wala po kasing ebidensiya so far. And therefore, nakikipag-coordinate tayo sa DILG (Department of the Interior and Local Government) at saka sa Philippine National Police,” sabi ni Comelec chairperson George Garcia.
Sinabi rin ni Garcia na may mga guro rin na umatras para magsilbing Electoral Board members, pero hindi naman umano ito dahil sa banta ng karahasan sa halalan.
“’Yung mga teachers talaga, ang pag-atras po kasi ay dahil sila ay related doon sa mismong mga kandidato sa mismong barangay. And therefore, wala naman po ‘yung sinasabing threat o violence against their person,” paliwanag ni Garcia.
Iniulat rin ng Comelec na isang isang kandidato sa Bucay ang binaril at napatay.
Ayon kay Garcia, batay sa paunang impormasyon mula sa kanilang tanggapan sa Abra, kandidatong kagawad sa barangay ang nasawing biktima.
“Yang development na ‘yan is, of course, a concern on the part of the Commission on Elections dahil kung medyo may nangyaring insidente na nagbuwis ng buhay ang isang kandidatong kagawad, although initial na report lamang sa atin ng ating provincial election supervisor, then napaka-serious concern na ‘yan,” sabi ni Garcia.
Inihayag din ng opisyal na nakatatanggap ang Comelec ng mga election-related problem sa Abra, partikular sa Bucay.
Hinihintay pa umano ng Comelec ang opisyal na ulat tungkol sa nasabing insidente ng pamamaril para mapag-aralan ang kaukulang hakbang na kailangan nilang gawin.