Isang criminology student ang naiulat na nasawi dahil umano sa hazing sa Quezon City nitong Martes at base sa imbestigasyon, nahirapang huminga at nawalan ng malay ang biktima habang sumasailalim sa initiation rites.
Ayon sa mga pulis, ang biktima na kinilalang si Ahldryn Bravante – isang fourth year criminology student – ay isinugod sa ospital matapos makaranas nang paghihirap dahil umano sa hazing.
Hawak naman na ngayon ng Quezon City Police District ang apat na kapwa estudyante ni Bravante. Dalawa raw sa kanila ang nagsugod sa biktima sa ospital kung saan idineklara siyang dead on arrival.
“Wala na ho, matigas na eh. Nung dinala dun sa ospital matigas na. Ibig sabihin n’un pinatay na nila ang anak ko,” sabi ni Alexander Bravante, ama ng biktima.
Base sa mga larawan na nakita sa imbestigasyon, makikitang namamaga at puno ng pasa ang mga hita ng biktima. May mga sugat din siya at paso sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
“Nakikiusap lang talaga ako, hustisya lang po, danyos, lahat ng gagastusin ng anak ko gawin nila. Atsaka dapat makulong sila. Lahat sila makulong,” saad ng ama ng biktima.
Kuwento pa nito, Linggo nang gabi nang huli niyang makausap ang anak. Maaga raw itong pumasok nitong Lunes.
Sa imbestigasyon ng QCPD, nangyari ang hazing sa isang abandonadong gusali sa Barangay Sto. Domingo bandang 2 p.m. nitong Lunes. Idineklara siyang DOA sa ospital ganap na 6:40 p.m.
Hinuli ang dalawang estudyanteng nagdala kay Bravante sa ospital habang sumuko naman sa pulisya ang dalawa pa. Kapwa sila criminology students.
Sa ibang balita, naaresto ng mga awtoridad sa Quezon City ang isang panadero na sumaksak umano sa kaniyang kinakasamang babae sa Mandaluyong at sa kapitbahay na lalaki na umano’y nahuli niyang kasiping ng babae.
Kinilala ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder na itinago sa pangalang “Toto” at ayon sa pulisya, nagdilim umano ang paningin ng suspek nang mahuli niyang nagtataksil sa kaniya ang kaniyang kinakasama.
“Pagdating niya sa bahay nung gabi, galing sa trabaho, inabutan niya ang ka-live-in niya hubo’t hubad, may kasamang lalaki sa bahay nila mismo,” sabi ni Police Major Raul Salle, SOU-EPD Chief.
Kaya naman nang araw na mangyari ang krimen, umuwi umano nang maaga ang suspek.
“Nung makita niya ang pangyayari na ‘yun, nagdilim daw ang paningin niya, kumuha siya ng kutsilyo, pinagsasaksak niya itong lalaki. Tinamaan pati ang kaniyang ka-live in,” sabi ni Salle.
Ayon sa pulisya, itinanggi ng babae ang alegasyon na may nangyari sa kanila ng kaniyang kapitbahay. Wala rin umano silang relasyon.
Nais umano ng babae na maiurong na ang kaso laban kay Toto para makapagsimula silang muli.