Sa kalaboso ang bagsak ng isang lalaking nagpanggap umano na kawani ng Land Transportation Office sa Quezon City matapos siyang ireklamo ng motoristang hinarang niya.
Base sa paunang imbestigasyon, naka-full gear pa ang suspek na kinilalang si Jurdinito Macula at kumpleto ang uniporme, vest at identification card ng LTO.
Inimbitahan si Macula sa police station matapos siyang ireklamo ng isang motorista na hinarang niya sa Barangay Socorro dahil daw sa violation na “unauthorized side mirror.”
Humingi raw ng tulong sa mga rumorondang pulis ang motorista matapos walang maipakitang mission order ang suspek.
Sa himpilan ng pulis, napag-alamang hindi tunay na empleyado ng LTO si Macula.
“Ang laman po ng certification ng LTO-NCR (National Capital Region) ay hindi po siya naging empleyado o empleyado ng LTO, kaya peke ho talaga siya,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Mark Janis Ballesteros, hepe ng Cubao Police Station.
“Ang modus kasi nitong suspek ay mag-isa lang siyang gumagalaw at naka-uniporme ng pang-LTO at naka-vest kaya kung titignan mo, aakalain mo talaga na siya ay miyembro ng LTO,” dagdag pa niya.
Tumangging magbigay ng pahayag si Macula, na nahaharap sa reklamong usurpation of authority at paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act.