Bullish kung bullish, hindi lang sa pakiramdam kundi totoong-totoo at walang halong kiyeme latik na ang ABSCBN sa kasalukuyan kasi nga waging-wagi ang mga palatuntunan nito sa iba’t-ibang digital entertainment platforms.
Ang “Can’t Buy Me Love” na pinagbibidahan nina Donny Pangilinan at Belle Mariano, nangunguna sa Netflix Ph. Ang kabit serye na may twist, dahil ang bidang babae ang marupok at mapusok at siyang kumakaliwa sa asawa, ang “Linlang”, nag-re-reyna si Kim Chiu bilang babaing haliparot na si Juliana sa pangunahing posisyon sa Prime Video PH.
Hindi rin nagpapakabog ang patapos ng “Unbreak My Heart” kung saan may tatsulok ng pag-ibig ang isang nanay, anak at binatang parehong narahuyo ang mag-ina, ito naman una sa Viu’s Hottest Filipino Drama List at ang “Senior High”, kung saan ang new acting hopes ng Philippine showbiz ay nagpapa-galingan, sina Andrea Brillantes, Kyle Echarri, JK Labajo, Daniela Stranner, Miggy Jimenez, Xyriel Manabat, Zailjan Jaranilla at Elijah Canlas, kabogerang totoo ito sa I WanTFC, number one show ang Gen Z teen drama.
Sa pinaka-bagong poor boy meets and saves the rich girl show, si Belle Mariano, na styled to perfection sa lahat ng mga eksena niya, sa totoo lang dapat nerbiyusin kapag kasama niya na on-screen si Maris Racal.
Pinaka-mataas na uring bratinella ang katauhan ni Racal na si Irene Young Tiu at talaga naman sinagpang niya ang pagiging affluent mean Chinoy young miss.
Ang mga galawan niya, altang-alta at sophistikadang totoo. Delivery ng mga linya sa wikang Ingles, ang enunciation at pronunciation, ang pagbibigkas at pagbagsak ng mga pangungusap, ang dating nag-aral sa Swiss boarding school/ Siyempre, to die for ang bangs, nagmamaldita at nagdadabog in a major, major way.
Dalawang eksena na talagang lumulutang ang husay niya,yung posing for posterity na kasama niya ang kanyang pamilya at may linya siya sa kanyang mommy dearest na: “Shut up mom, naligo ako, let’s pretend we’re happy. Just kidding. Smile!” Slay kung slay ang kahitaran ni Maris, huh!
At ito na nga, ang bardagulan nila ni Mariano sa eksenang hindi sinasadyang magbanggaan sila. Kawawang Belle. Alikabok ang winasiwas sa kanya ni Maris. Talagang lamon na lamon niya si Mariano bilang Caroline sa eksena. Ito ngang si Belle, kailangan pang mag-duduro ma may kasamang palalakihin ko ang mga mata ko school of acting para lang mag-marka sa paghaharap nila.
Prangkahan, walang-wala talaga siya sa bangis ni Racal. Inari talaga ni Maris bilang Irene ang bawat minuto ng komprontasyon nila ni Caroline. At yung pagmamaganda niya kay Stephen, katauhan ni Darren Espanto na inaalo siya, panalo ang “Don’t touch me” delivery nito at yung pag-wawakas niya na: “How is my hair?” May paghinga ng malalim at “Let’s go.”
Paano mo namang hindi hahangaan at papalapakan si Maris sa nasabing eksena lalo na nga’t ang unit at objectives ng katauhan niya, alam mong pinag-aralan nito kaya ganoon kahusay! May bagong prima kontrabida sa Mother Ignacia na talagang nakakainis pero nakakatuwa pa rin.
Kaya Belle Mariano, kilos-kilos, isip-isip! Kung palagian kayong may paghaharap ni Maris Racal at ito ang tatayong tinik sa buhay mo sa “Can’t Buy Me Love”, kung ayaw mong forever kumain at wasiwasan ng alikabok, eh ipakita mong may acting talent ka. Hindi puwedeng palaging nagduduro at nagpapalaki lamang ng mga mata noh!