Matapos maiulat na hindi naparalisa ang mass transportation noong Lunes dahil sa isinagawang malawakang transport strike, bumuwelta ang grupong Manibela sa pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority na maliit lamang umano ang naging epekto ng isinagawang tigil-pasada nitong Lunes.
Ayon sa chairperson ng Manibela na si Mar Valbuena, naging matagumpay umano ang isinagawa nilang tigil-pasada noong Lunes taliwas sa mga naglalabasang balita.
“Actually, successful siya. Unang una, para saan ba ‘yung pagsuspinde ng klase, para saan ba ‘yung libreng sakay,” sabi ni Valbuena at dagdag niya, nasa 75 porsyentong paralisado ang transporstasyon sa National Capital Region, dahil mangilan-ngilan lamang ang mga jeep na bumiyahe.
Isa sa mga ipinoprotesta ng Manibela ang Public Utility Vehicle Modernization Program, na para kay Valbuena ay ginagamit lamang ng gobyerno para sa korapsyon.
Ipagpapatuloy din umano nila ang pagpoprotesta sa PUVMP hangga’t hindi sila pinapakinggan ng gobyerno.
Nauna nang sinabi ng MMDA na “minimal” ang naging epekto ng tigil-psada sa transportasyon.
Ilang mga lokal na pamahalaan at eskwelahan ang nagsuspinde ng face-to-face classes nitong Lunes dahil sa tigil-pasada.