Aminado ang pamunuan ng reigning champion Barangay Ginebra San Miguel na handa na ito sa posibilidad na mawala ang import na si Justin Brownlee sa darating na Philippine Basketball Association Commissioner’s Cup simula sa Nobyembre 5.
Inamin ni Kings governor Alfrancis Chua na naghahanap sila ngayon ng kapalit na import matapos pumalya si Brownlee sa drug test na isinagawa ng International Testing Agency matapos ang makasaysayang pananakop ng Gilas Pilipinas sa 19th Asian Games.
Ang ITA, isang independent testing firm na nakabase sa Lausanne, ay nakakita ng mga bakas ng Carboxy-THC, isang ipinagbabawal na substance na may kaugnayan sa cannabis, sa sistema ng 35-anyos na si Brownlee isang araw matapos makopo ang ginto sa 19th Asian Games men’s basketball tournament.
Wala pang kumpirmasyon kung hihilingin ni Brownlee ang pagbubukas ng kanyang B-sample, ngunit nahaharap siya sa panganib na masuspinde ng 24 na buwan sa lahat ng paligsahan na sinanction ng International Basketball Federation, kabilang ang PBA.
Kung mangyayari iyon, mami-miss ni Brownlee ang title defense ng Kings sa season-opening conference at hindi na babalik sa aksyon hanggang sa siya ay 37 taong gulang na.
Ngunit nangako ang Kings na hindi sila papayag na maglaro nang walang reinforcement.
“We don’t know yet about the decision,” saad ni Chua sa press launch ng PBA Season 48 sa Diamond Hotel in Manila. “But as of now, we’re already looking for a replacement. We don’t know if it’s already late, but at least we’ll be ready when they release the ‘bomb.’”
Sinabi ni Chua na nananatiling nakabitin ang kapalaran ni Brownlee.
Ang naturalized star ay nasa Estados Unidos pa rin upang i-collate ang lahat ng mga dokumento na kakailanganin sa pagbibigay-katwiran sa pagkakaroon ng cannabis sa kanyang urine sample.
Ipinaalam na ng ITA si Brownlee at iniharap ang lahat ng kanyang mga opsyon, ngunit hindi pa nakipag-ugnayan ang FIBA sa Samahang Basketbol ng Pilipinas o sa PBA para ipaliwanag ang lahat ng posibleng maging epekto.
Wala pang opisyal na pahayag ang SBP at PBA tungkol sa usapin.
Sinabi naman ni Chua na hindi nila kokontrahin ang resulta ng drug test.
“We didn’t want to contest it. Just to let everybody know, we didn’t want to contest it. The Sample B is the same urine test of Brownlee. He’s not going to be tested for a new one,” sabi ni Chua. “His urines before were put into two canisters when he did the test in China. It’s the same sample.”
“But we’re just going to wait what they’re going to tell the SBP (Samahang Basketbol ng Pilipinas), but as of now, we’re still on the wait and see mode.”