Nasugatan ang isang walong-taong gulang na babae matapos umano itong sakmalin sa braso ng isang asong-gala sa Mangaldan, Pangasinan at matapos ang dalawang araw ay namatay ang aso at nagpositibo sa rabies.
Base sa mga paunang ulat, ikinuwento ng bata na itinago sa pangalang “Angel” na basta na lang siya hinabol at kinagat sa braso ng aso sa Barangay Malabago at pinilit niyang itaboy ang aso para makakawala sa kagat ng aso.
Kaagad din siyang dinala sa ospital ng kaniyang mga kamag-anak para mapabakunahan ng anti-rabies.
Ayon sa municipal agriculture office, namatay ang aso pagkaraan ng dalawang araw matapos na kagatin ang bata at nang magsagawa ng pagsusuri sa labi ng aso, lumitaw na positibo ito sa rabies.
Bukod kay Angel, pinabakunahan din ng anti-rabbies ang kaniyang pamilya.
Nagsagawa rin ng massive vaccination kontra rabies sa barangay kung saan mahigit 300 aso at pusa ang mabakunahan.
Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, spokesperson, CHD-1, mahalaga na madala kaagad sa pinakamalapit na animal bite and treatment center ang taong makakagat ng hayop para maagapan ang rabies.