Inihayag ng Commission on Elections sa Western Visayas na pinapa-disqualify nito ang anim na kandidato sa rehiyon para sa gaganaping 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 30.
Ayon sa Comelec, ang kanilang rekomendasyon ay may kaugnayan sa mahigpit na ipinagbabawal na komisyon na premature campaigning at vote buying.
Sinabi ni Western Visayas regional elections director Dennis Ausan na gumamit umano ng social media at tarpaulin ang mga inakusahan ng premature campaigning para isulong ang kanilang kandidatura.
Dahil dito, naglabas ngayon ng show-cause order ang kaniyang tanggapan kung saan bibigyan ang mga ito ng 48 hanggang 72 oras para sa sagutin ang naturang mga reklamo.
Batay sa datos, nasa mahigit isang daang kandidatong tumatakbo sa iba’t-ibang puwesto sa barangay at SK polls sa rehiyon ang nahaharap sa mga reklamong inihain sa Task Force Anti-Epal o Task Force Anti-Premature Campaigning, kung saan direktang inihahatid ang show cause order sa mga kandidato.
Kung matatandaan, naisampa na rin ng Comelec ang nasa 72 disqualification cases laban sa mga kandidato ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na maagang nangangampanya.
Ayon sa data na ibinahagi ni Comelec chair George Erwin Garcia, mayroong 211 na posibleng disqualification cases sa isinagawang initial assessment ng Task Force Anti-Epal noong Oktubre 5.
Sa kasalukuyan, nakapag-isyu na ang poll body ng kabuuang 4,942 show cause orders kung saan 1,053 na ang tumugon.
Ibinasura naman ng poll body ang 342 reklamo dahil sa kawalan ng factual basis.
Samantala, maliban sa mga petisyon para sa disqualification, sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco na maghahain ang Committee on Kontra Bigay ng limang verified complaints para sa election offense dahil sa vote -buying.