Isiniwalat ng National Security Council nitong Martes na dalawang katao na umano’y operatiba ng militanteng grupong Hamas na nakikipagdigma sa Israel ay dating nanatili sa Pilipinas at nagtangkang mag-operate at makipag-alyansa sa mga lokal na ekstremista noong 2018 at 2022.
Sinabi ni NSA assistant director general Jonathan Malaya, ang isa ay eksperto sa bomba na inaresto at ipinatapon limang taon na ang nakararaan.
“We saw there was intent by Hamas to launch activities in the Philippines. In fact, in 2018, there was a Hamas bomb maker that was arrested by the Philippine National Police (PNP) and deported to Turkey,” sabi ni Malaya.
Dagdag niya, batay sa imbestigasyon ng pulisya ay may apat na pangunahing layunin ang mga operatiba ng Hamas na nagtangkang lumusot sa bansa at kabilang dito ang umano’y pagpatay sa mga Israeli sa Pilipinas.
Ang ikalawang layunin ay ang makalikom ng pondo, at pangatlo ay ang paggamit ng social media upang maikalat ang kanilang propaganda at ang ikaapat ay ang pagsasagawa ng mga rally sa mga embahada at iba’t ibang lugar upang lumikha ng maliwanag na pagkakawatak-watak o kaguluhan.
Sa ibang balita, naglabas ng isang video ang Islamist group na Hamas na nagpapakita ng pahayag mula sa isa sa mga bihag na nahuli nila sa pag-atake noong nakaraang linggo sa Israel.
Makikita ang babaeng sugatan ang braso na ginagamot ng isang hindi kilalang medical worker at kinilala ang bihag ang kaniyang sarili bilang si Mia Schem, 21 taong gulang, na humihiling na maibalik sa kanyang pamilya sa lalong madaling panahon.
Kinumpirma naman ng isang myembro ng pamilya ni Schem ang pagkakakilanlan nito. Nauna nang umapela noong nakaraang linggo kay President Emmanuel Macron ang kapamilya nito na tulongan silang palayain ang kanilang mga nawawalang kamag-anak.
Hindi naman bababa sa 199 Israelis at dayuhan ang dinakip ng mga armadong Hamas at binihag sa pag-atake, na ikinamatay ng 1,300 katao, pinakamalaking bilang ng mga namatay sa isang araw sa 75-taong kasaysayan ng Israel.
Samantala, kaugnay nito naglabas ng pahayag ang Israeli military, na nagsasabing ito ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa pamilya ni Schem at kinondena ang Hamas bilang isang “murderous terrorist organization.”