Iniulat ng San Juan Police na anim na katao ang sugatan matapos umanong mahulog ang kanilang sinasakyan na van mula sa isang elevated parking lot sa San Juan, Batangas nitong Sabado.
Ayon sa mga paunang ulat, paalis na ang mag-anak sa parking lot nang magkaproblema at mawalan ng kontrol sa minamanehong van ang 54-anyos na padre de pamilya.
Sumalpok muna ito sa mga metal barrier bago nalaglag at tumama sa isang nakaparadang truck sa baba.
Patayo pa ring bumagsak ang van at nagsimulang umusok.
Agad namang nasaklolohan ng mga bystander ang anim na sakay nito, kabilang ang driver at ang misis nito. Kasama din nila ang tatlong menor de edad na anak, at isa pa nilang 57-anyos na kapamilya na pawang mga residente ng San Pascual, Batangas.
Isinugod ang mga ito ng mga nagrespondeng tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa San Juan District Hospital at nilapatan ng lunas.
Wala namang nasaktan sa truck na nagkataong walang sakay ng mabagsakan ng van.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng pagkahulog ng van.