Isang bangkay ang nadiskubre na nasa labas na ng nitso nito kung saan pinaghihinalaan na pinagnakawan ng mga grave robbers sa isang pampublikong sementeryo sa Naga City.
Base sa mga paunang ulat, sinabing nadiskubre ng sepulturero ang bangkay sa labas ng binutas na nitso at nakatiwangwang din ang kabaong ng bangkay na hinihinalang pinagnakawan.
Iniimbestigahan na ng mga awtoriadad ang insidente at naibalik na sa loob ng nitso ang bangkay.
Samantala, patay naman ang isang barangay tanod sa Tabango, Leyte matapos siyang barilin habang nanonood ng volleyball game.
Nakilala ang biktima na si Arnel Noynay, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.
Nangyari ang insidente sa Barangay Tabing.
Ayon sa mga pulis, patay na ang biktima nang dumating sila.
Tumakas daw agad ang salarin matapos ang krimen.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.