Inihayag ng Department of Foreign Affairs nitong Lunes na nakahanda na umano ang mga Pilipino sa Gaza na lumikas at ang mga ito ay naghihintay na lamang na makatawid ng ligtas papuntang Egypt.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega, handa na rin ang pamahalaan sa gagawing paglikas ng mga Pinoy sa Gaza at dagdag niya, may mga nirentahan na silang mga bus na nasa crossing at kayang magsakay ng hanggang 150 katao.
“Palagi kaming nakakarinig, any day now, baka magkaroon ng 24 hours na opening para lumusot ‘yung mga foreigners,” sabi ni De Vega.
Sabi pa ni De Vega, nasa maayos na kalagayan na ang 131 na Filipinong nasa Gaza. Karamihan umano sa mga ito may mga asawang Palestinian, kaya maaaring madagdagan o mabawasan ang bilang ng mga Filipino na magpapa-repatriate sa Pilipinas.
Nauna nang iniutos ng DFA ang mandatory repatriation ng mga Pilipino sa Gaza na nasa ilalim ng Alert Level 4 dahil sa digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas.
Samantala, umaasa rin ang DFA na magkakasundo ang Israel at Egypt para sa ligtas na labasan ng mga banyagang naipit sa nangyayaring giyera sa pagitan ng Israel at militanteng Hamas.
Kaugnay nito, target ng Embahada ng Pilipinas sa Cairo, Egypt na kunin ang mga Pilipino sa Rafah na tatawid sa border ng Egypt at Gaza para sa ligtas na exit.
Sabi ni De Vega, umaasa silang maging matagumpay sa lalong madaling panahon ang diplomatic efforts ng international community para mapapayag ang Egypt at Israel para sa ligtas na daraanan ng foreign nationals palabas ng Gaza.
Sa nakalap ding impormasyon, ang checkpoint sa pagitan ng Egypt at Rafah ay ang tanging ruta palabas ng Gaza na hindi kontrolado ng Israel.
Opisyal na sinabi naman ng Egypt na bukas ang panig nito na tumanggap ng refugee subalit natigil nang ilang araw dahil sa mga strike ng Israel.
Pinaigting din ang pwersa ng Egypt sa border nito at inihayag na walang intensyon na tanggapin ang pagdagsa ng mga refugee.
Base din sa mga nakasaksi, ang mga kongkretong bloke na inilagay ng mga Egyptian para paigtingin ang seguridad sa border kasunod ng mga pambobomba ng Israel ay nakalagay pa rin na nangangahulugang hindi ikinokonsidera ang pagkakaroon ng daanan para sa mga refugee sa lalong madaling panahon.
Magugunita na noong nakalipas na Sabado, pinayuhan ng Israel ang mga residente sa Gaza na lumikas mula sa hilagang bahagi ng Gaza strip bago ang nakaambang malawakang ground offensive ng Israel Defense Forces sa kuta ng militanteng Hamas.
Sa datos ng DFA, bagamat walang mga Pilipino sa Gaza city at sa northern Gaza, mayroong 30 Pinoy ang nananatili pa rin sa ibang parte ng Gaza na hindi pa rin nakapagpasya na lumikas patungong Egypt dahil may mga asawang Palestinian at mga anak.
Sa kasalukuyan, bumaba na sa 3 Pilipino ang nawawala habang 3 na ang nakumpirmang nasawi sa giyera sa Israel.