Hanggang ngayon ay patuloy ang nangyayaring kaguluhan sa pagitan ng Israel at militanteng grupo na Hamas kung saan ilang daang mga Pilipino na ang naiipit at hindi na malaman kung paano makakaiwas sa gulo.
Nakatuon ngayon ang mata ng lahat sa isinasagawang counter-offensive ng Israel dahil sa ginawang pag-atake ng Hamas na nagresulta ng pagkasawi ng ilang libong katao.
Pero ang Israel, hindi lamang naka-focus sa karahasan at counter-offensive, dahil nitong nakaraan lamang ay nagpulong kamakailan sina Philippine Ambassador to Israel Pedro Laylo, Jr. at Israeli Agriculture Minister Avi Dichter at sumentro ang kanilang pag-uusap sa pagpapalawak ng kooperasyon ng Pilipinas at Israel sa modernong pagsasaka at food security.
Sinabi ni Laylo na malapit nang makapasok sa Israeli market ang mga agricultural products ng Pilipinas tulad ng mga prutas, partikular na ang pinya.
Ang pagpasok ng Philippine fruits sa Israeli market ay sasaklaw sa tinatayang $1 bilyong bilateral trade ng dalawang bansa sa 2024.
Bukod sa pinya, nasa advanced stages na ng review ng Israeli Ministry of Agriculture and Rural Development ang kanilang pag-aangkat ng mangga at saging mula Pilipinas.
“The entry of high-quality Philippine fruits to Israel will not only allow Israelis to finally enjoy the best tasting pineapples in the world, it will also help lower their food grocery costs. It’s a win-win for both our countries,” saad ni Laylo.
Binabalak din ng magkabilang panig ang pagkakaroon ng joint projects on modern farming methods para maparami ang ani ng mga magsasaka.
Magiging prayoridad ang tech-sharing at pamumuhunan sa precision irrigation, high-yield planting materials, dairy at milk production at pagkakaroon ng mga sakahang handang tumugon sa climate change, at extensive farmer training.
Pinag-usapan din nina Laylo at Dichter ang pagkakaroon ng agri-tech hub sa Pilipinas para maipakilala ang Israeli agriculture technologies sa mga magsasaka.
Napag-usapan din nila ang pag-upgrade sa seed-testing capabilities ng Philippine Departent of Agriculture.
Ang kooperasyon sa agrikultura food security ay ang pundasyon ng matibay na ugnayan ng Pilipinas at Israel. Nagsimula ang full diplomatic relationship ng Pilipinas at Israel noong 1957.
Sa ganitong mga panahon, hindi pa rin maikakaila na mayroon pang pag-asa na magkaroon ng matiwasay na kapayapaan sa mga ganitong klaseng kooperasyon. Sana lamang ay magtuloy-tuloy na ito.