Isang lalaki na nang-hostage ng isang babae sa Pasay City ang pinagtulungang kuyugin ng mga miron sa lugar matapos na makaalpas ang hostage niya nitong Sabado ng hapon.
Base sa paunang imbestigasyon, bigla na lamang umanong hinablot ng suspek ang biktimang call center agent sa tapat ng isang kainan at tinutukan ng suspek ng basag na bote sa leeg ang babae habang patuloy itong nag-aamok.
Kalauna’y may lumapit na pulis at sinubukang awatin ang suspek.
“Ayaw niya magpalapit, wala daw lalapit,” sabi ng biktima.
Inabot nang 30 minuto bago tuluyang naagaw ang biktima. Kasunod nito’y kinuyog at binugbog na ng taumbayan ang suspek.
“Nagkaroon po ng pagkakataon na mahawakan po ng pulis ‘yong braso po ng suspek at dun na po natin nabawi yung biktima,” sabi ni Police Maj. Ryan Salazar ng Pasay police.
Isinugod sa ospital ang biktima na nagtamo ng mga sugat sa leeg at kamay.
Ayon sa pulisya, naunang humingi ng tulong ang suspek na nagpapadala noon sa pagamutan dahil hirap itong makalakad.
“Ang ginawa po ng patroller natin, tumawag siya sa Pasay rescue para magpadala po ng ambulansiya. Habang tumatawag po, pagtalikod po ng pulis natin, doon na po siya nanghila ng babae,” ani Salazar.
Base sa imbestigasyon, lumalabas na galing sa probinsiya ang suspek matapos mawalan ng trabaho.
“During the incident may mga sinasabi siya na as if galit siya. May personal po siyang problema sa trabaho niya,” sabi ni Salazar. “Ang napansin po ng pulis natin ay medyo balisa ba, hindi siya kumikilos ng normal.”
Depensa naman ng suspek, hindi siya tinulungan ng mga pulis kaya nagawa ang pangho-hostage.
“Kasi po namumulikat na po itong mga paa ko, ayaw pa nila akong tulungan,” sabi ng suspek.
Na-inquest na ang suspek, na nahaharap sa mga reklamong illegal detention, frustrated murder at alarm and scandal.