Dalawang bata ang tila napasok sa isang mala-teleseryeng sitwasyon dahil aksidente umano silang napagpalit noong isinilang sila sa isang ospital sa Cagayan province.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing December 6, 2019 nang sabay na magsilang sa ospital sina Marissa at Trisha, mga hindi totoong pangalan.
Walang pagsidlan ang tuwa ng dalawang magulang dahil sa pagsilang nila ng kanilang anak, subalit nagkaroon ng pag-aalinlangan lalo na nag mapansin umano ng biyenan ni Trisha na iba na ang pamunas na ginamit sa mga sanggol na pareho umanong walang tag.
Sa tulong ng DNA test, nakumpirma na napagpalit ng tauhan sa ospital ang mga sanggol na sina JM at Liam, sa kani-kanilang ina sa Cagayan.
“‘Yung pamunas d’un sa baby bed, kinuha ko. Sabi ko, ba’t nandun sa kabila ‘yung pamunas natin? Tapos sila naman, ‘Bakit nand’un din ‘yung pamunas namin?’ sabi nila,” ayon sa biyenan ni Trisha na kinilalang si Beverly.
Si Trisha, lalong lumakas ang hinala na baka napagpalit ang kaniyang anak dahil napansin niya at maging ng ibang kaanak na walang kahawig sa kanila ang batang si Liam.
“Saka lang po lumakas ‘yung pagdududa ko nu’ng habang palaki na po siya kasi wala nga po siyang kamukha sa aming dalawa,” saad niya. “Siya po singkit, wala naman pong singkit sa aming dalawa. Medyo malaki rin po ‘yung tenga niya, wala rin naman pong gan’un sa amin. Saka po ‘yung matangkad po siya.”
Dito na kinontak ni Trisha si Marissa sa pamamagitan ng social media noong Agosto. Nang makita nila ang mga anak nila, nagkaroon na rin ng pag-aalinlangan si Marissa na baka hindi niya nga talaga anak si JM.
Si Beverly, napansin na kamukha ng kaniyang anak na si Roderick si JM.
“Talaga pong lukso ng dugo po,” sabi ni Beverly. “Nu’ng nakita ko ‘yung bata talagang tumulo ‘yung luha ko sa kanya.”
“Tapos nu’ng nakita niya rin po ako bigla po siyang nagpakarga sa akin tapos hinalikan po niya ako,” dagdag nito.
Matapos nito, humingi ng tulong sina Beverly at Trisha sa abogado para makipag-uganayan sa ospital. Nais nila na ang ospital ang gumastos sa DNA test ng mga bata.
“Sabi ko, ‘Doktora, since po nasa inyo po ang negligence, kayo sana po ang mag-provide ng DNA,'” ani Beverly. “E sabi po ng nurse sa akin, ‘Hoy, misis! Huwag mo sabihing negligence dahil walang negli-negligence dito sa ospital.'”
Gumawa ng paraan sina Beverly at Trisha upang patunayan ang kutob nila ng pagkakapalit ng mga sanggol. Nang makalikom ng pera, kinausap nila si Marissa at asawa nitong si Ricky, na sumailalim sila sa blood type tests, kasama ang mga bata.
Ang resulta ng blood type test, hindi tugma sa mga magulang ang blood type ng mga bata na nasa kanila.
Kaya nitong Setyembre, isinagawa na ang dalawang uri ng DNA test. Una ay lumitaw na hindi match sa maternity tests si Liam at Trisha, ganoon din sina JM at Marissa.
Patunay na ang mga bata na kanilang pinalaki sa loob ng halos apat na taon ay hindi nila talaga kadugo.
Sunod na isinagawa ang tinawag na crossmatch test upang makumpirma kung si JM talaga ang anak ni Trisha, at si Liam naman ang talagang ina ni Marissa.
Nang mag-match ang kanilang DNA test, napaiyak na lang ang dalawang pamilya. Bagaman natutuwa sila na lumabas na ang katotohanan, naaawa naman sila para sa mga bata dahil namulat sila sa pamilyang hindi nila talaga kadugo.
Sina Beverly at Trisha, nais na papanagutin ang ospital.
Ayon kay Dr. Rebecca Battung mula sa Provincial Health Office, magsasagawa sila ng imbestigasyon sa nangyari.