Tuloy bukas ang planong tigil-pasada sa Metro Manila ng mga miyembro ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers o Manibela.
Sinabi ng pangulo ng grupo na si Mar Valbuena na ang tigil-pasada ay kanilang protesta sa ipinipilit na pagsapi ng mga may prangkisa ng jeepney sa kooperatiba o pagbuo nila ng sariling kooperatiba bago magtapos ang taon alinsunod sa isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan.
Sa kanilang sariling kooperatiba o sinalihang kooperatiba ay uutang sila ng puhunan para makabili ng mga makabagong sasakyang pampasada na pamalit sa minamaneho nilang mga jeepney.
Ayon kay Valbuena, libu-libong tsuper ang lalahok sa tigil-pasada, kasama na ang mga nagmamaneho ng mga UV Express, taxi at Transport Network Vehicle Service.
Ngunit sinabi rin niyang bukas sa katanggap-tanggap na kasunduan sa gobyerno ang kanyang grupo na maaaring ikapagpabago ng kanilang plano.
Binalewala naman ni Metropolitan Manila Development Authority General Manager Procopio Lipana ang epekto ng tigil-pasada dahil kakaunti lamang umano ang mga lalahok dito.
Sinabi rin niya na hindi na kailangang maglabas ang MMDA ng mga sasakyan na magsasakay ng libre sa mga commuter, liban na lamang kung napakalaki ng demand ng masasakyan.
Ang katwiran niya ay maaapektuhan ang mga pumapasadang hindi kasali sa protesta ng Manibela.
Pitong grupo ng mga pumapasada ang umano’y hindi sasali sa tigil-pasada.
Sa kabila niyo, sinabi ng Philippine National Police na magbibigay sila ng libreng sakay para sa mga mananakay.
Ang pamahalaan ng Quezon City naman ay magbibigay ng libreng sakay sa kanilang Q City Bus para sa tatlong ruta.
Ang mga ruta ay ang Quezon City Hall-General Luis, Quezon City Hall-Gilmore at Quezon City Hall-C5 Road at Ortigas Avenue Extension.