Naikwento ni Julie Anne San Jose sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes ang nakakatakot niyang karanasan sa Israel kung saan inabutan sila ng kanyang kasintahang si Rayver Cruz ng gyera ng mga Hudyo at Palestino.
Ligtas naman nakabalik agad sa bansa ang mag-nobyo noong Oktubre 7, isang araw matapos sumiklab ang digmaan ng mga militanteng Hamas at tropang Israeli.
Ayon kay Julie Anne, matagal nang naka-schedule ang show nila sa Israel na “Luv Trip Na, Laff Trip Pa” na kinabibilangan ni Rayver at Boobay. Dumating sila roon ng Oktubre 3 at namasyal muna sa makasaysayang lugar ng Bethlehem, Jerusalem, Dead Sea, Dagat ng Galilee at Ilog Jordan.
Oktubre 7 ng gabi pa ang simula ng kanilang palabas sa Smolarz Auditorium sa Tel Aviv University ngunit umaga pa lang ay umuulan na sa iba-ibang siyudad ng Israel ng mga missile na pinakawalan ng Hamas sa Gaza Strip. Kabilang sa inasinta ng mga Hamas ang Tel Aviv kung saan naroroon ang mga Kapuso stars.
Hindi ito batid ng dalawa dahil natutulog pa sila ng mga oras na iyon.
“Hindi nila alam kung papano nila kami gigisingin in a way na sabihin sa ‘min na ‘kailangan niyo nang bumangon kasi may giyera na’,” kwento ni Rayver kay Boy Abunda.
Nalaman nila ang sitwasyon nang sabihin ito ng organizers ng show sa kanilang team.
Sumunod nito ay tumunog na ang malalakas na sirena, hudyat na may pabagsak na rocket at dapat nang pumasok sa bomb shelter sa loob ng isang minute upang hindi masabugan.
Nakatatlong balik sila sa bunker sa ikalawang palapag ng gusaling tinutuluyan ng Sparkle team.
Nang mabasa nila ang mga mensahe ng kanilang mga fans sa social media, na-realize nila ang mapanganib na sitwasyon roon.
“Sobrang ironic nga eh kasi nasa Holy Land kami and then at the same time parang this is all happening. Parang na-realize namin na grabe. ‘Di namin ma-explain ‘yung feeling pero ito na talaga ‘yung time na talagang kailangan nating, alam mo ‘yun, na magdasal and really have faith,” sabi ni Julie Anne kay Boy Abunda, ayon sa ulat ng GMA News Online.
Sa sumunod na araw ay lumipad na ang team pabalik ng Pilipinas.
Maikli man ang inilagi nila Julie Anne at Rayver sa Israel sa kauna-unahang bisita nila roon, ang mahalaga ay walang nasaktan sa kanila at nakauwi agad sila sa bansa.