Ipinahayag ng Barangay Ginebra star player Scottie Thompson sa kanyang social media na magkaka-baby muli sila ng kanyang asawang si Jinky.
Nag-post kahapon ang guard ng Never Say Die team ng Philippine Basketball Association ng litrato sa kanyang Facebook na ipinakikita silang mag-asawa at ang unang anak habang nasa bakasyon sa Japan.
Ipinakikita sa litrato si Jinky na hawak ang resulta ng ultrasound niya para sa kanilang ikalawang supling.
May caption naman ang litrato na “Back to back blessing, kuya na si @asterthompson_namin.”
Ang tinutukoy ng PBA most valuable player na isa sa dalawang blessing ay ang gintong medalyang napanalunan niya sa katatapos na Asian Games sa Hangzhou, China.
Nakuha ng Gilas Pilipinas ang gintong medalya sa men’s basketball competition nang talunin nila ang Jordan sa finals sa iskor na 70-60.