Mukhang totoo ang tsismis na si Sandara Park ang pinakamayamang K-pop idol kahit pa dine-deny niya ito. Bakit hindi kung inamin niyang namigay siya ng isang milyong Korean won o katumbas ng P40,000 sa isang di-kaano-anong tao.
Nangyari ang rebelasyon ng singer at produkto ng Star Circle Quest 2004 nang mag-guest siya sa South Korean variety series na “Cultwo Show.”
Naging topic ng usapan sa nasabing palabas ang kaugalian sa South Korea na pagbibigay ng pera sa mga host ng okasyon tulad ng kasal at libing.
Ang tinatawag nilang “congratulatory money” na nasa loob ng envelope ay tulong sa naghanda para mabayaran niya ang gastos sa reception o ito’y regalo sa bagong kasal. Kung hindi handa ang magbibigay, nakaka-stress gaya nang naranasan ni Sandara.
Dahil hindi naman lumaki sa bansa ng kanyang magulang, hindi alam ni Sandara kung magkano ang ibibigay na pera sa bagong kasal.
“Dahil hindi ko naman alam nang husto ang kalakaran, may pagkakataon na sobra-sobra ang naibigay ko sa bagong kasal,” pahayag ni Sandara sa wikang Koreano.
Naalala niya na isang milyong won o P42,101 ang ibinigay niya sa isang kakilala lamang.
Nang nagkataong magkita sila, inilibre siya ng lalaki ng beef.
Tinanong ni Sandara ang mga kakilala niya kung bakit ginawa iyon ng lalaki sa kanya.
Ang sagot nila ay magiging pabigat sa binigyan niya ng napakalaking halaga kung hindi man lang niya sinuklian ito.
Ngayon ay alam na niya na maliit na halaga lamang pala ang dapat na iniaabot na pera sa naghahanda at iyon na ang kanyang ginagawa.
Umusbong ang K-pop career ni Sandara sa dating grupong 2NE1 matapos mag-artista sa Pilipinas. Sinasabing doon siya yumaman. Sinasabing may halagang 30 bilyong won siya o P1.2 bilyon ngunit hindi raw ito totoo.