Nais ni House Speaker Martin Romualdez na agaran nang mapauwi ang mga overseas Filipino workers na naiipit sa kaguluhan sa pagitan ng Israeli forces at Palestinian militant group na Hamas.
Dagdag pa ni Romualdez, magbibigay din ito ng P500,000 personal na tulong sa pamilya ng ikatlong Pilipino na kumpirmadong nasawi sa kaguluhan.
Kung matatandaan, sinabi ng House Speaker na katuwang niya si Tingog PartyList Representative Yedda Marie Romualdez na magbibigay ng tig-P500,000 sa pamilya ng dalawang Pilipino na kumpirmadong nasawi sa kaguluhan sa Israel.
Nagpahayag ng pag-aalala si Romualdez sa kaligtasan ng mga Pilipino na naiipit sa kaguluhan kaya nanawagan ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na agad iproseso ang pagpapa-uwi sa mga OFW na nasa Israel at Gaza strip na hawak ng Hamas.
Saad pa ni Romualdez, mayroong mga Pilipino na nagpahayag ng kanilang nais na makauwi sa bansa, isang indikasyon umano ng kung ano ang sitwasyon sa nagaganap na Israel at Gaza.
Batay sa datos mula sa DFA, sa 131 Pilipino sa Gaza, 92 indibidwal ang nagpahayag ng pagnanais na makauwi sa Pilipinas. Sa Israel naman, hindi bababa sa 22 Pilipino ang pormal na nag-request na sila ay iuwi sa bansa.
Sinabi rin ni Romualdez na ang mga mercy flight ay hindi naman kailangang lumapag sa Israel dahil maaari itong gawin sa Egypt o Jordan para matiyak ang kaligtasan ng mga OFW.
Bukod sa tulong pinansyal, nangako rin si Romualdez na maghahanap ng paraan upang madagdagan ang kinikita ng pamilya ng mga nasawi at susuportahan ang pagbangon ng mga ito mula sa trahedya.
Kung matatandaan, nanawagan ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration sa mga OFW na na-stranded dahil sa kaguluhan sa Israel na huwag mabahala sa kanilang kasalukuyang kalagayan.
Paliwanag ni DMW Officer-in-Charge Undersecretary Hans Cacdac, may mga OFW kasi na nasa Middle East na nakatakda sanang pupunta sa Israel ngunit hindi na matuloy dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan doon.
Dagdag niya, may nakahandang tulong na ibibigay sa mga naturang OFWs mula sa pamahalaan ng Pilipinas kasama na ang financial assistance, livelihood assistance, psychosocial assistance, at employment assistance.