Magpapatupad ng libreng sakay ang lokal na pamahalaan ng Maynila ngayong Lunes bunsod nang nakaambang transport strike upang matulungan ang mga posibleng ma-stranded sa kalsada.
Ayon sa Manila local government unit, magpapakalat sila ng mga emergency vehicle at electric tricycle para magbigay ng libreng sakay sa mga commuters sa naturang transport strike na pangungunahan ng transport groups Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) and Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (Manibela).
Nagpoprotesta sila para sa mandatory jeepney franchise consolidation, na nakatakdang deadline sa Disyembre 31.
Ilang paaralan at unibersidad na sa Metro Manila ang nag-anunsyo ng kanilang paglipat sa online classes sa gitna ng welga.
Sinabi ng city government na ang Manila Traffic and Parking Bureau ay nakikipag-ugnayan sa Metro Manila Development Authority upang subaybayan ang nalalapit na transport strike.
Sinabi nito na ang mga emergency vehicle ay ilalagay sa mga lugar na apektado ng transport strike.
Samantala, ilang paaralan na sa Metro Manila ang nag-anunsyo na pansamatala muna silang lilipat sa online classes.
Ang mga paaralan na nagpahayag ng kanilang paglipat sa online classes ay ang Adamson University, Ateneo de Manila University, De La Salle University, Far Eastern University, Lyceum of the Philippines University Manila, Manila Tytana Colleges, National University Fairview, National University Philippines, Our Lady of Fatima University, Polytechnic University of the Philippines, UERM Memorial Medical Center, University of the East at University of Santo Tomas.