Mga 7,000 sundalo ang ipakakalat ng Pransya sa bansa upang pigilan ang pag-atake ng mga teroristang Muslim matapos patayin sa saksak ang isang guro ng isang lalaking taga-Chechen na hinihinalang naghihiganti para sa militanteng Hamas at mga Palestino sa Gaza Strip.
Sinaksak at napatay ni Mohammed Moguchkov ang isang guro sa paaralang inatake niya sa bayan ng Arras nitong Biyernes.
Pinagsasaksak rin ni Moguchkov ang security guard ng eskwelahan at siya’y nag-aagaw-buhay sa ospital, ayon sa pulis.
Isa pang guro at tagalinis ng paaralan ang nasaktan rin ngunit hindi malubha, ayon kay anti-terror prosecutor Jean-Francois Ricard.
Walang mag-aaral sa paaralan ang nasaktan.
Inaresto at ikinulong na si Moguchkov pati na ang iba pang miyembro ng kanyang pamilya kasabay ng imbestigasyon nila.
Nagkaroon rin ng pag-atake sa isa pang rehiyon ng bansa ngunit ito’y napigilan ng mga pulis.
Tinukoy ng interior ministry ang suspect na isang lalaking “radicalized” at may hawak na kutsilyo. Inaresto siya nang papaalis na sa dasalan sa Yvelines, isang rehiyon ng Paris.
Ang pananaksak sa Pransya ay naganap matapos manawagan sa lahat ng Muslim ang Hamas, ang namumuno sa Gaza, na pumatay ng Hudyo bilang higanti sa pambobomba ng military ng Israel sa kanilang teritoryo.