Nakakabilib ang ginawang pagdiskwalipika ng Commission on Elections sa ilang kandidato sa pagka-barangay kapitan at chairman ng sangguniang kabataan, dalawang linggo bago ang halalan.
Ang tumatakbong Merson Calubag para sa SK chair ng Barangay Magtangale sa San Francisco, Surigao del Norte ay hindi na makalalahok sa halalan matapos kanselahin ng Comelec ang kanyang certificate of candidacy. Gayundin ang kandidatura ni Ivy Jane Miranda para sa parehong posisyon sa Barangay Malag-it sa Calinog, Iloilo.
Ipinatutupad ng Comelec ang pagbabawal sa political dynasty o magkakamag-anak sa SK alinsunod sa SK Reform Act of 2015. Kung may kamag-anak ang kandidato na may katungkulan sa barangay at pamahalaang lokal, hindi sila maaaring tumakbo kahit pa sa ibang posisyon. Kailangang iisa lamang ang nanunungkulan mula sa isang pamilya.
Ayon sa Comelec, pinawalang-bisa nito ang COC ni Calubag dahil mali ang inilagay niya rito na wala siyang kamag-anak na kasalukuyang may pwesto sa barangay kahit pa na ang kanyang nanay ay kagawad roon.
Si Miranda naman ay nilagay sa kanyang COC na nagbitiw na ang kanyang ama bilang kagawad sa kanilang barangay. Ngunit hindi valid ang resignation letter ng ama niyang si June Miranda dahil hindi ito inihain sa kinauukulan o sa mayor na Calinog na may kapangyarihang umaksyon sa isang pagbibitiw, ayon sa Comelec.
Dahil rito, ay ama ni Miranda ay maituturing pa ring nasa puwesto nang maghain ang kanyang anak ng kandidatura bilang SK chairman.
Sa kabila ng ginawa ng Comelec, hindi ito masasabing tapat o tunay sa pagpapatupad ng pagbabawal ng dinastiya kung hindi nito maipagbabawal o matatanggal ang mga magkakamag-anak sa gobyerno at kongreso.
Sandamakmak na magkakamag-anak ang nasa pwesto sa gobyerno at legislatura. Kada halalan ay sila-sila lang ang mga tumatakbo at nananalo. Panahon na para tapusin ang ganitong sistema ng pulitika na pinagmumulan ng katiwalian at pagnanakaw sa pera ng bayan.
Kaya sa Comelec, ito ay hamon sa inyo. Buwagin na ninyo ang mga dinastiya.