Mahalaga ang mga basurero para sa ikalilinis ng lipunan. Sa araw-araw na pagkuha nila ng basura ng mga kabahayan, nakakatulong rin sila sa pangangalaga ng kalusugan ng mga tao.
Kung wala ang mga masisipag na basurero, siguradong mamamaho ang mga bahay at paligid natin. Darami rin ang mga langaw na maaaring magdulot ng mga sakit lalo na sa mga bata.
Kinikilala naman ang mga basurero sa Lipunan dahil sa kanilang tungkulin. Subalit hindi lahat ng basurero ay modelo ng kalinisan. May ilan sa kanila ang hindi nakakaunawa sa kanilang tungkulin dahil sa pagkakalat ng basura sa daan. Hindi ito maikakaila sa mga naiwang pira-pirasong basura na hindi na isinamang hakutin ng mga basurerong burara.
Dapat ay walang iiwang kalat o basura ang mga basurero dahil sa sila nga ang kumukuha ng mga ito. Isang kabalintunaan kung sila pa mismo ang magkakalat.
Ngunit nangyayari ito. Ang mga nahulog na basura sa truck ay pinababayaan na lamang.
Mayroon ding mga basurero na hindi kinukuha ang mga nakakalat na basura sa mga bangketa o kalye.
Mukhang kailangang mai-seminar ang mga basurero lalo na iyong mga pabaya o walang pakialam sa mga basurang hindi nakuha ng ibang basurero.
Bagaman may mga tagalinis ng kalye, hindi dapat iasa sa kanila ang pagkuha nito at pagpasa sa mga basurerong dadaan. Kung naririyan naman na ang mga basurero, sila dapat ang magkusang kumuha nito.
Mga mga basurang delikadong maiwang nakakalat sa daan at dapat na kunin na ng kahit sinong basurerong makakita o madaanan ang mga ito. Halimbawa na lang ang mga basag na bote o salamin. Delikado ang mga ito na nakakalat sa daan lalo na sa gabi dahil maaaring makasugat ito sa mga dumaraang tao o aso’t pusa.
Siguro naman ay alam ng mga basurero, na may mga anak din, na delikado ang mga nakakalat na bubog sa bangketa at daan para sa mga naglalarong bata. Kapag natapakan nila ang bubog, hindi lang sugat kundi impeksyon ang maaari nilang danasin.
Sa mga basurero, lubusin natin ang serbisyo publiko upang maging ligtas din ang mga pamayanan sa mga delikadong basura.