Hindi umubra ang suhol ng isang Indiyano sa isang ahente ng Bureau of Immigration kapalit ng pagpapapasok sa bansa ng banyaga.
Ipinagmalaki ng ahensya ang katapatan sa tungkulin ni BI Border Control and Intelligence Unit officer Jay Manansala na inalok ni Jaskaran Singh, 20 anyos, ng P50,000 upang patuluyin sa bansa pagdating niya sa Clark International Airport galing ng Singapore noong Oktubre 12.
Hindi pinayagan ni Manansala si Singh na makapasok sa bansa dahil hindi niya alam kung paano niya susustentuhan ang sarili at hindi masabi ang pakay ng kanyang pagpunta sa Pilipinas.
Ang pagharang kay Singh ay alinsunod sa Section 29(a)5 ng Philippine Immigration Act.
Pinabalik rin ni Manansala si Singh sa airline para sa paglipad niya pabalik sa kanyang pinanggalingan.
Sinubukan ni Singh na ipakausap si Manansala sa umano’y ama niya sa telepono at inalok siya nito ng P50,000 kapalit ng pagpapalaya sa Indiyano.
Nang hindi pumayag si Manansala, sinigaw-sigawan siya ng Indiyano.
Isinama ang pangalan ni Singh sa listahan ng mga blacklisted na banyaga upang hindi na muling makadayo sa Pilipinas.
Pinuri ni BI Commissioner Norman Tansingco si Manansala sa kanyang dedikasyon sa trabaho at pagpapatupad ng batas.