Isang 67 anyos na nangangalakal ang namatay nang siya ay makuryente habang pumuputol ng kable sa loob ng hindi pa tapos na bahay sa Cagayan de Oro City Huwebes ng gabi.
Kinilala ng mga pulis ang namatay na si Roberto Sabulano Sr., taga-Sitio Vamenta sa Barangay Carmen.
Batay sa imbestigasyon ng pulis, umakyat sa ikalawang palapag ng bahay si Sabulano at tinangkang tanggalin ang kable na konektado sa kisame.
Gamit ang kutsilyo at cutter, hiniwa niya ang kable at nagkaroon ng kislap na ikinabagsak niya sa sahig.
Patay agad ang biktima.
Kilala ang biktima na nangongolekta ng mga tinapong metal at kableng may tanso sa mga construction sites.
Nakuha ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng pagkakakuryente ang kutsilyo at cutter na ginamit ng biktima.