Kalaboso ang inabot ng isang Malaysian national na nadiskubrihan ng mahigit apat na kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng higit P25 milyon sa kaniyang maleta sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Kinilala ng mga otoridad ang suspek na si Mohammad Afzal, na hinarang sa isang interdiction operation ng Philippine Drug Enforcement Agency, Bureau of Customs at Bureau of Immigration Huwebes ng gabi.
Nasabat mula sa dayuhan ang 3.7 kilo ng shabu na tinatayang mahigit P25 milyon ang halaga, na itinago sa mga improvised pouch na gawa sa packing tape at nasa kaniyang maleta.
Sa paunang imbestigasyon, sinabing galing Malaysia ay bumiyahe si Afzal sa Madagascar at nag-transit sa Addis Ababa sa Ethiopia.
Naghinala ang mga otoridad dahil imbes na dumiretso sa Malaysia, huminto pa ang suspek sa Pilipinas.
Bukod dito, itinuturing na “red flag” ang mga pinagmulang bansa ng dayuhan pagdating sa drug trade.
Itinanggi ng Malaysian national na siya ang may-ari ng bagahe, kundi ipinakisuyo lang ito sa kaniya.
Mahaharap ang suspek sa paglabag sa batas kontra droga at haharapin ang kaniyang kaso sa Pilipinas.