Tinanggihan ng kataas-taasang hukuman ng India ang hiling na diborsyo ng isang 89-anyos na lalaki.
Inilabas ng hukuman ang hatol nitong Huwebes matapos ang 27 taon mula nang maghain ng petisyon para sa diborsyo si Nirmal Singh Panesar.
Ikinasal sina Panesar at Paramjit Kaur Panesar, 82 anyos, noong 1963. Sa kanyang petisyon, sinabi ng lalaki na nasira ang kanilang relasyon noong 1984 nang tumanggi ang asawa na lumipat sila sa siyudad ng Chennai kung saan na-destino ang dating miyembro ng Indian Air Force.
Inihain ni Panesar ang petisyon noong 1996 dahil sa pag-iwan sa kanya ng asawa. Isang district court ang pumabor sa hiling niya noong 2000 ngunit inapela ito ng asawa at siya’y nanalo sa korte.
Inakyat ni Panesar ang hatol ng appeals court sa korte suprema at dalawang dekada ang lumipas bago ito napagpasyahan ng mga hukom.
Sinabi ng korte suprema na ang kasal ay banal at spiritwal sa lipunan.
Hindi rin makatarungan para kay Paramjit na mamatay na isang diborsyada, dagdag ng hukuman.
Ayon sa asawa, ginawa naman niya lahat na igalang ang kanilang relasyon at handa pa ring alagaan ang asawa sa kanyang katandaan.
May tatlong anak ang mag-asawa.
Mabagal ang pagdinig ng mga kaso sa mga korte sa India. Tinatayang may 43.2 milyong kaso ang nakatengga sa mga korte sa bansa.