Ilang kandidato sa halalan ng Barangay at Sangguniang Kabataan sa ilang probinsiya ang hindi na makakatakbo pa matapos madiskwalipika ng Commission on Elections.
Kabilang sa mga nadiskwalipika ay si Ireneo Polinar Lapis na tumatakbong Kapitan ng Barangay Pualas sa Don Carlos, Bukidnon, ayon sa Comelec Second Division.
Napag-alaman ng Comelec na may salang administratibo si Lapis at nahatulan ng Ombudsman sa utos nito noong Marso 28, 2005 na matanggal siya sa serbisyo dahil sa hindi pagiging tapat, alinsunod sa Section 52 (a) at Section 58 (a) ng Civil Service Commission Memorandum Circular No. 19, s. 1999 o and Uniform Rules on Administrative Cases in the Civil Service.
May iba pang kandidato sa BSKE ang nadiskwalipika ng Comelec dahil sa paglabag sa regulasyon ng ahensya.
Kabilang rito si Aniano Pancho Capinig na kandidato sa pagka-kapitan ng Barangay Cabas-an Aroroy, Masbate dahil na sintensyahan siya ng higit 18 buwan sa kanyang kasalanan.
Si Ivy Jane Parohinog Miranda, kandidata sa pagka-kapitan sa SK ng Barangay Malag-it, Calinog, Iloilo ay nagkasala ng Material Misrepresentation sa kanyang certificate of candidacy dahil ang kanyang ama ay kasapi na ng Sangguniang Barangay sa parehong lugar.