Hindi biru-biro ang pasweldo sa mga mambabatas. Di hamak na mas mataas ang kanilang sahod kaysa sa mga manager sa pribadong negosyo. Kaya naman inaasahan na sa kanilang pagkakahalal ay magsisilbi sila ng mahusay.
Ngunit may mga mambabatas na kahit pa magaling gumawa ng batas ay sayang ang pagpasahod sa kanila mula sa kaban ng bayan dahil naging walang kwenta ang kanilang binalangkas na batas.
Halimbawa na lang ang Republic Act 11861 o “Expanded Solo Parents Act.”
Toka ng mga local na pamahalaan ang pagpapatupad ng batas na naglalayong tulungan ang mga inang iniwan ng kanilang asawa at mag-isang nagtataguyod sa kanilang anak.
Sa ilalim ng nasabing batas, bibigyan ng ayuda ang mga solo parents o nag-iisang magulang ng P1,000 kada buwan upang may magamit silang pantustos sa kanilang pangangailangan. Maliit man ang halagang ito ay kailangang-kailangan ng benepisyaryo dahil sa sobrang mahal ng mga bilihin ngayon.
Karaniwan ding walang pinagkakakitaan o maliit ang sweldo ng maraming solo parents kaya kailangan nila ang ganitong benepisyo.
Nasa nasabing batas rin na may 10 porsyentong diskwento at exemption sa value added tax ang piling bagay na kanilang binili, pagiging kasapi nila sa PhilHealth, at priority na mabigyan ng trabaho at pabahay.
Isa pang inutil na batas ang Republic Act No. 11223 o Universal Healthcare Law na ipinasa noon pang 2019. Nananatili pa ring hindi magamit ng maraming miyembro ng PhilHealth ang benepisyo na makapagpakonsulta sa duktor. Kailangan munang ma-confine ang miyembro sa ospital upang magamit ang kanilang benepisyo sa PhilHealth tulad ng libreng konsulta, laboratory test at gamot.
Isa pa, iilang piling sakit lamang ang sakop ng PhilHealth. Ni hindi makapagpabunot ng ngipin sa pribadong dentista o makapagpa-MRI ang mga nasaktan sa tuhod dahil sa sakuna kahit pa sa Philippine General Hospital lumapit ang pasyente.
Sa titulo ng batas sa UHC, ipinahihiwatig na inclusive ito o para sa lahat. Ngunit hindi ito totoo dahil ang ibang sakit ay hindi maipapakonsulta, maipapa-diagnose at maipagagamot nang libre.
Sayang lang ang mga kontribusyon ng mga miyembro sa PhilHealth dahil hindi naman nila napapakinabangan ang kanilang hulog.
Sa mga tagapagpatupad ng mga nasabing batas, gampanan ninyo ang inyong mga tungkulin. Di kailangang magmakaawa ang mga benepisyaryo sa inyo dahil para sa kanila ang mga benepisyong nakasaad sa batas at ang mga ito ay kailangan ninyong ibigay sa kanila.