Iniulat ng Overseas Workers Welfare Administration na isa umanong dayuhang kasambahay na taga-Africa ang suspek sa pananaksak at pagpatay sa OFW na si Marjorette Garcia sa Kingdom of Saudi Arabia.
Ayon sa OWWA, nakainitan umano ng dayuhang kasambahay ang 32-anyos na si Garcia nang mapansin nito na mas pinapaboran ng kanilang amo ang OFW.
Kung matatandaan, pinasok umano ng suspek ang bahay ng kanilang employer at doon nangyari ang pananaksak kay Garcia noong Setyembre.
Sa nakaraang ulat, sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Paul Cortes, na batay sa impormasyon mula sa pulisya ng KSA, nakita ang duguang katawan ni Garcia at isinugod sa ospital kung saan siya binawian ng buhay.
Kasunod nito ay naaresto ang suspek pero hindi pa noon nagbigay ng mga detalye habang iniimbestigahan pa ang kaso.
“It appears that the suspect is her co-worker, but we are still waiting for the results of the investigation. Once the investigation is over, Saudi Arabia [authorities] will work on the documentation so her remains can be repatriated back to the Philippines,” sabi ni Cortes sa naunang ulat.
Nagtungo sa KSA si Marjorette para magtrabaho noong 2021 sa hangarin na mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya.