Nilusob ng 4,000 sundalo at pulis ang bahagi ng dalawang siyudad sa El Salvador nitong Miyerkules upang hulihin ang mga gangster na sangkot sa mga krimen dito.
Isa-isang ginagalugad ng 3,500 sundalo at 500 pulis ang bawat bahay sa Apopa at Soyapango upang hanapin ang mga gangster, ayon sa post sa social media ni Pangulong Nayib Bukele.
Binabantayan rin ng mga sundalo at pulis ang mga labasan ng mga pinaliligirang pamayanan upang walang makatakas na gangster.
Binubusisi rin ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga residente sa nasabing mga siyudad dahil may mga gangster na kumuha sa mga bahay ng mga taga-roon.
May mga sundalo at pulis ring nakapwesto sa isang maliit na simbahan habang ang iba ay nakapwesto sa checkpoint at sumusuri sa mga dumadaang mga sasakyan, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Ang bitag ay isinagawa matapos ireklamo ng mga residente na bumubuo ng grupo ang mga gangster sa lugar, ayon kay Defense Minister Rene Francis Merino.
“Hindi kami hihinto hanggang hindi namin nahuhuli ang huling terorista. Hindi namin pahihintulutang magkuta sila rito at sirain ang kapayapaan dito,” dagdag pa ni Merino.
Pinalawig ng Kongreso ng El Salvador ang state of emergency sa bansa nitong Miyerkules.