Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang lalaking umano’y kinuyog ng mga residente sa Zamboanga City na nagwala umano at basta na lang tinaga ang isang tindera sa Barangay Cabaluay.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang lalaki na may dalang itak na naglalakad sa gilid ng kalsada at ilang saglit pa, hinabol at pinalo na siya ng isang residente at sumugod na rin ang iba pang kalalakihan.
Napahiga sa kalsada ang lalaki habang patuloy ang pagkuyog sa kaniya ng mga tao. Inawat naman sila ng pulis at iba pang sibilyan at nang dalhin sa gilid ng kalsada, wala nang malay at duguan na ang lalaki na umano’y nagwala.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na bago nito, nag-amok ang lalaki at tinaga ang isang tindera.
Hindi agad natukoy ang dahilan ng pagwawala ng lalaki.
“Habang nagwawala siya naabutan niya ‘yung isang biktima natin dito banda sa may bakery na isang babae at tinaga niya ito. And ‘yung biktima natin, natamaan sa kaniyang left arm and left leg,” sabi ni Police Major Paul Andrew Cortes ng Zamboanga City Police.
Base sa imbestigasyon, nagmula sa Payao, Zamboanga Sibugay ang lalaki at ilang araw nang hinahanap ng kaniyang mga kaanak.
“Accordingly, inutusan lang nila ito. Ilang days na, hindi nakabalik. Hindi nila alam na nakarating na pala rito sa Zamboanga City. According to them also, na itong lalaki ay may problema sa pag-iisip,” sabi pa ni Cortes.
Kritikal ang lagay ng suspek dahil sa mga tinamong sugat sa katawan at ulo matapos kuyugin ng mga residente.
Nasa maayos na lagay na ang babaeng kaniyang tinaga.