Hinikayat ng pangulo ng Iran ang mga bansang Arabo at Muslim na magsama-sama sa pagkumpronta sa Israel na naglunsad ng digmaan laban sa mga militanteng Palestino sa Gaza.
“Dapat magtulungan ang mga bansang Arabo at Muslim pati na ang mga malayang mamamayan sa mundo sa pagpigil ng krimen ng rehimeng Zion laban sa aping bansa ng mga Palestino,” pahayag ni Pangulong Ebrahim Raisi kay Bashar al-Assad, lider ng Syria, nang sila’y mag-usap nitong Miyerkules sa telepono tungkol sa krisis sa Gaza City.
Upang mapigilan ang genocide ng mga Palestino ng mga Zionist, makikipag-ugnayan ang Iran sa ibang bansang Islamiko sa lalong madaling panahon, pahayag ni Raisi sa website ng kanyang opisina kahapon.
Kinatigan naman ni Assad ang panawagan ni Raisi at sinabing kailangan agarang mapangalagaan ang buhay ng mga Palestino sa Gaza Strip at pigilin ang pagpuntirya ng mga Israeli sa mga bata at kabababihan roon.
Sinusuportahan ng Iran ang Hamas, ang grupong namumuno sa Gaza at siyang naglunsad ng atake sa Israel nitong Sabado na ikinasawi ng mahigit 1,000 Israeli.