Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Angeles City na isusupinde nito ang face-to-face classes sa siyudad mula October 16 hanggang 17 dahil sa nakaambang tigil-pasada na planong isagawa ng transport group na MANIBELA sa Oktubre 16, 2023.
Layunin umano ng grupo na iprotesta ang “PUV modernization program” ng pamahalaan na sinasabing makakaapekto sa kabuhayan ng mga public utility drivers.
Ayon kay Angeles City Mayor Carmelo Lazatin Jr., may limang libreng sakay na mga bus ang handang maghatid sa mga empleyado ng city hall at publiko at ang mga bus na ito ay pupwesto sa mga strategic areas sa Angeles City para magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero sakaling magkaroon ng transport strike.
Ang libreng sakay ay magsisimula ng 5 ng madaling araw hanggang 12 ng hatinggabi at may limang ruta na susundan, ang Cutud-Sapang Maisac boundary; Balibago-Dau boundary; Cutcut-Porac boundary; Sto. Domingo-San Fernando boundary; at Mining-Malino boundary.
Hinihikayat ni Lazatin ang mga empleyado ng city hall na mag-“carpooling” bilang paghahanda sa nakaambang nationwide strike.