Inihayag ng Department of Migrant Workers nitong Huwebes na inihahanda na nito ang repatriation flights para sa mga overseas Filipino workers na nadadamay ngayon sa patuloy na kaguluhan sa Israel.
Sinabi rin ng DMW na inihahanda na rin nila ang mga hakbang upang maiuwi na rin sa Pilipinas ang mga labi ng dalawang Pilipinong nasawi matapos atakihin ng Palestinian militant group na Hamas ang Israel.
Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, naghahanda na sila sa gagawing repatriations.
“So abangan na lang ang karampatang anunsyo dito because obviously we’re preparing the flights and all that. But soon there will be repatriation of OFWs,” sabi ni Cacdac at dagdag niya, mayroong 22 OFWs ang nagpahayag na nais na munang umuwi sa bansa. Kinabibilangan ito ng 19 na caregiver at tatlong hotel workers sa Israel.
Kailangan naman umanong makakuha ng clearance mula sa mga awtoridad ng Israel ang pagpapauwi sa mga labi ng dalawang Pinoy na kumpirmadong nasawi sa pag-atake ng Hamas.
“It’s been done before noong pandemic sa Saudii. We had mass repatriation of remains so kakayanin man,” sabi ni Cacdac. “Maybe we’re just at the stage na medyo we still need to get the proper clearances from the Israeli authorities.”
Umaasa naman si Cacdac na puwedeng pagsabayin sa biyahe ang mga OFW at pati na ang labi ng dalawang nasawing Pinoy sa iisang flight.
Ayon naman kay Department of Foreign Affairs Undersecretary Educardo de Vega, sinimulan na ang pagproseso para maiuwi ang mga labi ng dalawang OFW.
“Only question is about the shipment of remains. We are not sure if the families prefer to have them here but the process is ongoing,” ayon kay De Vega sa isang panayam sa telebisyon.
Inihayag din ni De Vega na mayroong 70 Pinoy sa Gaza ang nais na umuwi sa Pilipinas.
Gayunman, hindi basta-basta makukuha ang mga Pinoy sa Gaza dahil hinarangan na ito ng Israel. Kailangan umanong magkaroon ng “humanitarian corridors” para makalabas sa Gaza ang mga nais na umalis.
Nitong Huwebes, inilagay ng Pilipinas sa Alert Level 3 ang sitwasyon sa Gaza bunga na rin ng isinasagawang pag-atake doon ng Israel na pinupuntirya ang puwersa ng Hamas.
Samantala, humihiling ng tulong ang pamilya ng Pilipinong namatay sa giyera sa Israel para agad maiuwi ang labi nito sa Pilipinas.